Once Upon A Time

Chapter 14



Chapter 14

“WHAT’S the matter? Bakit ka umiiyak?” Nagmamadaling nilapitan ni Dean si Selena nang maabutan

niya ito sa kanilang kwarto na lumuluha habang nakatitig sa laptop nito. Naupo siya sa tabi nito sa

kama at mabilis na pinahid ang mga luha nito.

“I read something on the internet.” Emosyonal pa ring sagot ni Selena. “Wala daw forever.”

Pigilan man ni Dean ay natawa pa rin siya. Simula nang magbuntis si Selena ay naging emosyonal na

ito. Pero walang kaso iyon sa kanya. Ikinaaaliw niya pa ngang makita ang ganoong side nito. Selena

can really be cute at times. Marahang iniangat niya ang baba nito para magsalubong ang kanilang mga

mata. “Believe in forever. It does exist.”

Napasigok si Selena. “Talaga?”

“Yes.” Nangingiti pa ring tumango-tango si Dean. “Forever is you and me sitting next to each other.

Forever is us. Forever is right here, right now, mahal. Kaya ngumiti ka na. ‘Wag kang magpapaniwala

sa mga nababasa mo sa internet.” Kinindatan niya ang asawa. “Tayo ang magpapatunay na may

forever.”

Nahigit ni Dean ang hininga nang sa wakas ay ngumiti na si Selena. Hindi niya alam kung paano nito

iyon nagagawa nang walang kahirap-hirap. Every single day, she just takes his breath away.

Bahagyang tumambok ang mga pisngi ng asawa. Mas nagkalaman ito. Pero mananatiling ito ang

pinakamagandang buntis na nasilayan niya.

Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin mapaniwalaang asawa niya na si Selena. Mabilis pero

masayang lumipas ang mahigit apat na bwan nila sa isla sa St. Lucia kung saan sila dinala ni Lilian.

Ang isla na iyon ay regalo raw ng nobyo ni Lilian rito na isinunod pa sa pangalan nito.

Kahit pa nahihiya na si Dean kay Lilian na itinuturing niya na ring kaibigan ay aminado siyang tama ang

sinabi nito, ligtas nga sila ni Selena sa lugar na iyon. Nasa hilagang bahagi ng Amerika iyon kaya

walang makakakilala sa kanila roon ni Selena. Bihira rin silang umalis roon. May mga katiwala roon si

Lilian na siyang umaalis ng isla para sa mga pangangailangan nila.

Ganoon pa man ay sinisikap nila ni Selena na hindi tuluyang maging pabigat sa mga kaibigan. Malaki

na ang ipon ni Dean sa ilang taong pagtatrabaho sa ATC na lahat ay kinuha niya sa bangko ilang araw

bago siya umalis ng Pilipinas. Kahit si Selena ay may malaki ring ipon bukod pa sa malaki ring pera at

mga alahas na ipinadala rito ng ina nito sa pamamagitan ni Domingo. Gustuhin man nilang bayaran

kahit paano ang pananatili nila sa dalawang palapag na bahay ni Lilian sa isla ay matigas ang naging

pagtanggi nito.

Iginiit ni Lilian na pwede silang manatili sa isla ni Selena hangga’t gusto nila o hangga’t patuloy pa rin

daw sa pagpa-powertrip ang kani-kanilang mga pamilya. But Dean and Selena still try to make a living.

Itinuloy niya ang pagpipinta na siyang hilig niya na noon pang bata siya. Nagkaroon ng interes roon si

George, ang Fil-Am na fiancé ni Lilian na minsang isinama nito sa isla. Si George ang siyang

humikayat sa kanyang maglagay ng mga gawa niya sa gallery ng kakilala nito. At sa pagkagulat niya

ay may mga tumatangkilik at bumibili ng mga iyon ng higit pa sa presyong inaasahan niya.

Si Selena naman ay nagdi-desenyo pa rin ng mga damit. Kumuha ito ng mga magiging katuwang sa

kabilang isla na makakatulong nito sa pananahi ng mga damit na ginuguhit nito. Ang mga damit na

iyon ay ibinibenta ni Lilian sa internet. And Selena had acquired a lot of clients already. And he will

always be proud of her. Ni minsan ay hindi niya naringgan ang asawa na nagreklamo tungkol sa buhay

nila o sa hindi niya alam kung kailan matatapos na pagtatago nila.

Pero sa kabila ng lahat ay hindi kailanman masasabi ni Dean na mahirap ang buhay nila. It was always

fun and colorful. Bumalik ang mga kulay sa buhay niya nang muling makasama si Selena. Araw-araw

siyang mayroong awtomatikong ngiti sa mga labi. Araw-araw siyang puno ng motibasyon at

pagmamahal sa puso niya.

Kulang isang bwan pagkarating nila sa St. Lucia nang magpakasal sila ni Selena. Simpleng seremonya

lang iyon na ang mga naging witnesses lang ay sina Lilian at George pati na ang mga katiwala sa rest

house at ang mga inimbitahan nilang staff ni Selena sa pananahi. Gustuhin mang pumunta ni Chynna

roon ay hindi pwede dahil baka ma-trace ito lalo pa at ayon rito ay pinaghahanap pa rin sila ng mga

kaanak nila dahil sa malaking eskandalong nagawa nila.

Mayroon raw mga kalalakihang parating sumusubaybay kay Chynna saan man ito magpunta. Ilang ulit

na rin daw itong piniga nina Adam at ng ama ni Selena sa impormasyon pero dahil sa katapatan nito

sa kanilang mag-asawa ay nananatiling tikom ang bibig nito.

Selena deserves everything. And Dean just wished that one day; he will be able to give her that.

Nakikita niya na masaya rin ang asawa sa piling niya pero sana isang araw ay maging ganap na ang

kasiyahan nito. Sa ginawa niya ay alam niyang lalong magbabaga ang galit sa kanya ng kanyang mga

kaanak pati na ng ama ni Selena pero umaasa sila na isang araw ay magkakaroon ng milagro at

matatanggap na ng mga ito ang pagmamahalan nilang dalawa. Lalo pa ngayong magkaka-anak na

sila. And they were having twins. Sa naisip ay lalong lumawak ang pagkakangiti niya.

Hindi na makapaghintay pa si Dean na makita ang mga maliliit na bersyon ng asawa. Hinaplos niya

ang maumbok nang tiyan nito pagkatapos ay muling humarap sa asawa. Masuyong kinintalan niya ito

ng halik sa mga labi.

“Hindi ka ba nagsisisi, mahal?” Mayamaya ay hindi napigilang tanong ni Dean. Iyon ang tanong na

madalas pumapasok sa isipan niya. “Kilalang-kilala ka na sa Pilipinas but you are starting from scratch

here as a designer. ‘Tapos hindi mo pa magamit ang sarili mong pangalan sa mga disenyo mo dahil

lang sa pagtatago natin sa mga pamilya natin. Don’t you regret ever choosing me?”

“Mas magsisisi ako kung wala ako sa tabi mo ngayon, Dean. Wala akong pinagsisisihan sa buhay ko

ngayon. Kahit pa makipaglaro tayo ng tagu-taguan habang-buhay sa mga pamilya natin, walang kaso

sa akin.” Pilyang ngumiti si Selena. Malambing na ikinulong nito ang mga pisngi ni Dean sa mga palad

nito. “Loving you is the best thing that I ever did in my whole life. Choosing to be with you is the

second.”

Para bang may kung anong init na lumukob sa sistema ni Dean matapos ng mga narinig. Napatitig siya

sa altar hindi kalayuan sa kama nila ng asawa bago gumuhit ang ngiti sa mga labi niya. Mali siya ng

inisip noon tungkol sa sarili. Pinagpala siya at hanggang ngayon ay patuloy na pinagpapala pa rin ng

Diyos. Maganda pa rin ang buhay.

Seven months later…

AGAD na napahinto sa paghakbang papasok sa master’s bedroom si Selena nang maabutan ang

tumatawang asawa habang nakikipaglaro sa kanilang mga anak. Kambal ang mga naging anak nila ni

Dean. Isang babae at isang lalaki ang mga iyon na ang mga pangalan ay kinuha nila mula sa bibliya.

Shera at Elijah ang pangalan ng mga ito.

Si Elijah ay kamukhang-kamukha ni Dean habang kay Selena naman nakuha ni Shera ang karamihan

sa mga physical attributes nito. Ang asawa at ang kanilang mga munting anghel ang masasabi ni

Selena na pinakanatatanging kayamanan niya sa mundo. Hindi niya alam na posible palang

maramdaman ang uri ng kasiyahan na nadarama niya simula nang manganak siya. Mahirap pero

nakayanan niya. Lalo pa at ni minsan ay hindi binitiwan ni Dean ang kamay niya habang nagli-labor

siya.

The pain of her pregnancy became bearable because Dean was there. At ngayong isang buong

pamilya na sila, pakiramdam ni Selena ay wala siyang hindi makakaya. Wala siyang hindi magagawa.

Kung makikita kaya ng kanilang mga kaanak ang nakikita niya ngayon, lalambot kaya ang puso ng

mga ito?

Kitang-kita ni Selena ang pagmamahal sa mga mata ni Dean habang nakatitig sa kanilang mga anak.

At iyon pa lang ay sapat na para maglaho ang lahat ng pag-aalala niya.

“I promise you, mahal, that I will never let our children grow up the way I did. Palalakihin natin sila na

puno ng pagmamahal, sa isang bahay na may nanay at may tatay.” Naalala pa ni Selena na para bang

nangangarap na bulong sa kanya ni Dean nang magising siya noon mula sa panganganak. “I may not

be able to give you and the kids the most beautiful house in the world but I promise that I will provide

you a home, a home that you can always go back to.

“Isang bahay na magiging takbuhan mo o ng ating mga anak sa mga sandaling nanghihina na kayo.

And you will always find me outside that home, waiting for you all. I will not be able to provide you with

the best things in life, with the comfort and money that many men are willing to give you, Selena.

Hanggang pagmamahal lang ang kaya kong ibigay pati na ang pangako kong ito.”

Inabot ni Dean ang mga kamay ni Selena. Puno ng sinasabi nitong mga pangako ang mga mata nito.

“Paglilingkuran ko kayo ng ating mga anak buong buhay ko. I won’t promise to be the best father or the

best husband; you know I will never be like that. But I promise to keep trying every single day of our

lives.”

Walang perpektong tao kaya naniniwala siya na wala ring perpektong mga magulang o anak. Pero

mayroong mga mabubuti. At naniniwala si Selena na magiging mabuting ama si Dean. Mahigit isang

taon na silang nagsasama pero napatunayan niya nang mabuting asawa ito. Kung ituring siya nito ay

para siyang isang reyna na parating pinagsisilbihan nito kahit hindi naman na kailangan kung tutuusin.

Hindi pinapagawa ni Dean ng mga gawaing-bahay si Selena sa kabila ng pagpipilit niya. Ang asawa

ang parating kumikilos para sa kanya kahit pa alam niyang pagod rin ito sa pagpipinta. He always

makes sure that he was able to attend to her needs. Magkahati rin sila sa pag-aalaga sa kanilang mga noveldrama

anak. Nang ipangako nito sa araw ng kanilang kasal na iingatan at aalagaan siya nito ay sobra-sobra

pa roon ang mga ginagawa nito. Kaya kailanman ay hindi ito karapat-dapat sa mga pang-iinsulto rito

ng kanyang ama.

Naalala ni Selena ang minsang ipinagtapat sa kanya ng asawa ilang araw pagkarating nila sa isla. Muli

ay nakaramdam siya ng panliliit hindi para sa kanya kundi para sa kanyang ama na sobra-sobra ang

mga masasakit na salitang binitiwan kay Dean. All these time, Dean was a real Trevino. And her heart

was bleeding until now by the truth.

Kusa ring nagtapat sa kanya ang asawa ng tungkol sa mga magulang nito. Noong una ay iniiwasan ni

Selena na ungkatin iyon dahil baka masyado pa iyong masakit para kay Dean kaya ganoon na lang

ang tuwa niya nang ang asawa na ang manguna sa pagpapakilala sa kanya ng totoo nitong pagkatao.

Halos buong buhay ni Dean ay ikinahihiya nito ang sarili nito at hindi niya alam hanggang ngayon kung

paano iyon aalisin sa sistema nito. Dahil hindi ito ang dapat na mahiya kundi si tito Bernardo, si tita

Leonna pati na si Adam mismo.

Kung malalaman lang siguro ng mundong ginagalawan nila ang mga pinaggagawa lalo na ni tita

Leonna ay matagal na rin siguro itong isinuka ng lahat. Dahil sinong nasa tamang pag-iisip ang

gagawa niyon sa isang tao? Idinamay ni tita Leonna sa galit nito si Dean na bali-baliktarin man ay wala

namang kasalanan sa nangyari. Iyon ang problema sa isang arranged marriage. Dahil nakatali na si

tito Bernardo kay tita Leonna ay huli na nang makilala nito ang babae pala na siyang nakatakdang

mahalin nito.

Naniniwala si Selena na minahal ni tito Bernardo ang ina ni Dean kaya ganoon na lang din ang

pagmamahal nito para sa naiwang alaala ng mga ito. Ang anak ng mga ito. Ilang ulit niyang nakita sa

mga mata ng matandang lalaki noon ang fondness para kay Dean sa tuwing hindi nakatingin ang huli.

Bukod pa roon ay wala nang ibang naging babae si tito Bernardo maliban sa ina ni Dean. Sayang.

Sayang na relasyon. Tama man ang pag-ibig pero hindi naman tama ang panahon.

At si Adam… Muling nabuhay ang galit ni Selena para sa lalaking unang minahal. Kung makapag-utos

ito noon kay Dean, iyon pala ay isang tunay rin na Trevino ang inuutusan nito. God… how did I fall for

someone like that?

“Is something wrong, mahal?”

Agad na napailing si Selena. Pinilit niyang ngumiti para maglaho ang pag-aalala na masisilip sa mukha

ng asawa. Tuluyang lumapit na siya sa kama. “I’m going to miss all of this. I’m going to miss living

inside this dream that you created for us. Iyong tipo ng panaginip na tayo lang ang nasa loob at wala

nang iba.” Mahinang wika niya habang nilalaro-laro ang palad ng mga anak.

Ayon kina Lilian at Chynna ay mukhang napagod na raw sa paghahanap sa kanila ni Dean ang

kanilang mga kaanak. Sumuko na raw siguro ang mga ito sa mahigit isang taong paghahanap sa

kanila. At nakapagdesisyon na sina Selena at Dean. Babalik na sila sa Pilipinas. Panahon na para

harapin nila ang mga dapat harapin para na rin sa kanilang mga anak.

Wala na rin namang magagawa kung sakali ang kanilang mga pamilya dahil kasal na sila ni Dean.

Totoong masarap manirahan sa isla. Nakabuo na sila ng bagong buhay roon at marami-rami na rin

silang mga kaibigang nakilala. Pero hindi naman sila pwedeng patuloy na mabuhay sa takot at

magtago na lang. Bukod pa roon ay nahihiya na rin si Selena kay Lilian kahit pa alam niyang bukal sa

loob nito ang ginagawang pagtulong sa kanila ng asawa.

Gusto nila ni Dean na makabuo ng lugar na matatawag rin nilang kanila. At sa kabila ng napakaraming

masasakit na alaala na mayroon sila sa Pilipinas ay iyon at iyon pa rin ang lugar na babalik-balikan

nila. Dahil hindi rin naman maikakailang mayroon rin silang magagandang mga alaala na nabuo roon.

It was their home. And it will always be despite the circumstances. Naroon ang natutulog pang ama ni

Dean pati na ang puntod ng ina nito. Naroroon rin ang mga magulang ni Selena at nangungulila na rin

siya sa mga ito sa kabila ng hindi magandang paghihiwalay nila.

“Pagbalik natin sa ‘Pinas, marami na namang bagay ang hindi natin masisiguro.” Patuloy na wika ni

Selena sa mababang boses. “Madalas, nakakatakot rin isipin. Since the day we planned about going

back home, I always find myself scared. For us, for the kids…” Napabuntong-hininga siya. “Minsan,

parang ang sarap magpadala sa takot at dumito na lang. At least, inside this dream, we know we are

safe. No one will ever tell us that us being together is a sin. Pero siyempre, kailangan pa rin nating

gumising, ‘di ba? We can’t stay dreaming forever.”

Napaharap si Selena kay Dean nang abutin nito ang mga kamay niya. Gaya ng nakagawian nito ay

hinagkan nito ang mga iyon.

Masuyong ngumiti si Dean. “Thank you for giving me Shera and Elijah, mahal.”

Gumanti ng ngiti si Selena. “It will always be my pleasure.”

“Loving you is easy. Circumstances just make it hard. Pero naaalala mo pa ba nang una mong sabihin

sa akin na mahal mo rin ako? Lumakas ang loob ko dahil doon, Selena. Ever since we became

together, I must admit, every day gets harder. And so was this hiding that we are doing. Pero sa kabila

ng hirap na ‘yon, masayang-masaya ako. Kasi kasama kita. Kaya nagkakamali ka.”

Inakbayan ni Dean si Selena. Awtomatiko namang inihilig niya ang ulo sa dibdib ng asawa. “Ikaw ang

dahilan ng magandang panaginip na ito. It wasn’t me. It was you and the kids. Kaya makakaasa ka na

saan man tayo pumunta, basta’t magkakasama tayong apat, sa kabila ng mga hamon ng buhay,

mananatili tayo sa loob ng isang magandang panaginip na ito.”

Marahang natawa si Selena. “You are really always so positive.”

Natawa rin si Dean. “Mahirap ang hindi maging positibo lalo pa at apat na tayo. Babalik tayo sa ‘Pinas

at doon natin ipagpapatuloy ang magandang panaginip na ‘to. So cheer up, all right? I love you so,

mahal.”

“And I love you, too, Dean.” Napatitig si Selena sa mga anak. “I love the three of you so much.”


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.